Jonah Dimaano
P2.45 Bilyong Contraceptives Para Wakasan ang Kahirapan sa ‘Pinas,bow!
Kamakailan ay na-headline sa ilang pahayagan na ang gobyerno ay maglalaan ng P2.45 bilyon sa taong ito para sa artificial contraceptives. Ayon sa gobyerno, ito raw ang pinakamabisang paraan sa paglutas ng kahirapan, ang pigilin ang panganganak. Sa mga ganitong klaseng programa malinaw na nahahalata kung gaano kapurol ang mga utak ng mga nakaluklok sa gobyerno. At ito ang nakakatakot dahil hindi natin alam kung anong klaseng kapahamakan ang kanilang idudulot sa bansa. Tila yata hindi sila nagsasaliksik at nagbabasa ng mga balita. O baka binabasa nga nila pero walang sapat kakayahan ang kanilang mga kinakalawang na utak para suriin ang kanilang mga binabasa.
|
Dahil dito, huling-huli na sila sa mga pinaka-latest na nangyayari sa mga 80 bansa, at dumadagdag pa, na naglunsad ng matagumpay na population control program noong una. Nakakaranas ang mga bansang ito ngayon ng matinding pagdami ng matatanda, pagbagsak ng kanilang mga social security systems, pag-slow down ng kanilang ekonomya at kung ano ano pang mga kamalasan.
Ngayon ay bumaliktad sila at kung ano-anong insentibo at pangungumbinse ang ginagawa nila sa kanilang mga mamamayan para lamang magparami ng anak. Pero tila ayaw kagatin ng mga tao. Kasi naman naging matagumpay ang gobyerno nila na magkaroon ng anti-baby mentality ang mga tao bilang batayan ng matagumpay na population program.
Pero habang desperado ang maraming bansa na muling magparami, ito at sige pa ring nakalublob sa mga antigo at laos na ideya ang ating mga pinuno. Wala na ngang pera ang gobyerno dahil ubos sa mga magnanakaw at bayad utang sa mga dayuhan. At ni hindi na mabayaran ang pension ng mga retiradong sundalo na nananawagan na ng civil disobedience. Ito at biglang may lumabas na ilang bilyones para sa contraceptives.
Sa mga contraceptives na ito titiba ng husto ang mga dayuhang drug companies. Pero mas malaki ang kita nila pagkalipas ng 2 o 3 dekada dahil nakapag-create sila ng giant market para sa mga breast at cervical cancer drugs na kailangan ng mga babaing agoyong gumamit ng contraceptives. Kaya anumang kabuhayang naipundar ng mga mag-asawang 1 o 2 anak lang ay mahahatak din para ibili ng mga gamot sa kanser sa suso at matris. Kung talagang matino ang pag-iisip ng gobyerno at gusto talaga mabawasan ang kahirapan na ang sanhi ay korapsyon at paghahari ng iilan, ang P2.45 bilyon kada taon ay sapat para sa mga sumusunod:
Dagdag na ngipin at pondo sa Ombudsman at Sandigan Bayan para pitpitin ng todo ang mga magnanakaw at inutil sa gobyerno.Palakasin ang law enforcement sa mga municipal waters para ang iilang malalaking palakaya na pag-aari ng iilang mayayaman ay mapaalis. Kung mangyari ito, tiyak na magkakaroon ng huli at lalaki ang kita ng milyong tawid-buhay na mangingisda sa bansa. Pati na rin iligal gambling, iligal drugs at iligal logging ay isama na rin.Maglunsad ng Bombay-approach na pagpapautang at bigyan ng puhunang pangkabuhayan ang mga maliliit na magsasaka, mangingisda at maralitang lungsod. Kung mapautang ng average na P5,000 production capital bawat mahirap, 500,000 pamilya ang magkakaroon ng hanapbuhay mula sa P2.45B. Kung 50% o 250,000 lang ang magtatagumpay (pero hindi ganyan kabalasubas ang mga mahihirap. Mas mataas ang repayment rate nila), ilang taon lang ang nagtagumpay na ito ay magpapatayo na ng bahay na hollow blocks. Kung bawat maitatayong bahay ay kukuha ng 5 trabahador, dagdag na 1.25 milyon ang magkakaroon ng hanapbuhay. Pwera pa yong mga gagawa ng hollow blocks at iba pa.
Kung isustini ng gobyerno ang funding para dito, walang dahilan para hindi mabigyang lunas ang kahirapan na isang problemang pang-ekonomya at pang-law enforcement hindi population control. Kailangan lang maalis ang anti-birth mentality ng mga nasa gobyerno para ang kahirapan ay maalis at magkaroon ng kaunlaran.
|
|
|